esperma book grant

Minsan, Kadalasan

Ang Minsan, Kadalasan ay kolesyon ng mga personal na sanaysay tungkol sa iba-ibang mga sarili noon at ngayon—guro, manunulat, nanay, asawa, mag-aaral, raketera, at iba pa. Tungkol ito sa pagbuo at pagpili ng sarili, sa kabila ng pagtuklas na may mga pagkakataong nakakapagod at nakakaubos ang mga bagay na minamahal at pinipili. Higit sa lahat, tungkol ito sa pagiging palaging babae—babaeng naniniwalang posibleng maging matapang at takot; masaya at malungkot; nandoon at nandito.


TUNGKOL SA AWTOR

Minsan, dilaw ang buhok ni Iza. Minsan pula, minsan asul. Kadalasan, tulad ngayon, lila. Palagi, siya ay nanay, asawa, guro, at manunulat. Nagtatrabaho siya sa isang progresibong paaralan sa Quezon City, bilang High School Coordinator at guro ng Filipino. Nakamarka sa katawan niya ang mga bagay na pinahahalagahan niya: ligaya, kagandahan, kabutihan, at pagiging babae. Mahal niya ang mga bagay na dilaw, kabilang na ang bahay nila sa Deparo, mga sunflower, dalampasigan, at ang liwanag na si Lumiere, ang anim na taong-gulang niyang anak. Naniniwala siya sa buhay, at umiibig siya sa pag-ibig. Mana sa kaniya si Lumi sa lahat ng bagay, pero namana niya kay Lumi ang hilig nito sa pusa, kaya mayroon silang apat: sina Maki, Yuki, Yuna, at Sol.

%d bloggers like this: